207 barangay officials sa ‘Narco List’ kakasuhan ng PDEA
MANILA, Philippines — Nakatakdang kasuhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa linggo ito ang 207 barangay officials na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang mga “narco-list” o nasa drug watch list.
Ayon kay PDEA chief Aaron Aquino na pinatunayan ng 4 government agencies na sangkot sa illegal drugs ang 90 barangay captains at 117 barangay kagawad na ang 70 dito ay mula sa Bicol; 34 sa Caraga, 13 sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at iba pang panig ng bansa.
Tinukoy din na 12 sa listahan ay mula sa NCR partikular sa Tondo, Quezon City at Malabon.
Pinanindigan ni Aquino na ang inilabas nilang listahan ay validated ng PDEA, Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordination Agency (NICA) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
“This was validated on the ground. There is no truth that this will serve as hitlist. It will not,” ani Aquino.
Iginiit ni Aquino na ang pagpapalabas nila ng mga pangalan ay upang magbigay ng impormasyon at babala sa publiko na huwag silang iboto sa nalalapit na Barangay at SK election sa darating na May 14.
Bukod dito ay sinusuri pa ng PDEA ang 274 local executives na sangkot din sa drug trade.
Sa kabila nito ay nagbigay ng kasiguraduhan si Aquino na bibigyan nila ng protection ang mga nabanggit na opisyal mula sa posibleng magiging galit ng publiko. - -
- Latest