Police checkpoints sa Metro Manila nag-umpisa
MANILA, Philippines — Umariba na ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa pagsasagawa ng police checkpoints kaugnay ng pag-uumpisa ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, kahapon ng madaling araw.
Naglunsad ng kani-kanilang checkpoints ang mga police districts kabilang ang Quezon City Police District, Manila Police District, Northern Police District, Southern Police District at Eastern Police District.
Pangunahing ipatutupad sa ‘election period’ ang pagbabawal ng pagdadala ng baril kahit na may dokumento ito habang kanselado rin ang ‘permit to carry outside residence’ ng mga lehitimong gun owners.
Ipinaalala ng Comelec na dapat may sapat na ilaw sa mga itatatag na checkpoints, may malaking placard na nakasaad na “COMELEC Checkpoint”, nakasulat ang pangalan ng Election Office at Station Commander, nasa maayos na uniporme ang mga pulis, at magagalang sa mga motorista. Nilinaw din ng ahensya na dapat ay ‘plain view o visual search’ lamang ang isagawa ng mga pulis sa mga motorista na paparahin. Tatagal ang election period mula Abril 14 hanggang Mayo 21.
- Latest