3 Sayyaf timbog sa QC
MANILA, Philippines — Tatlong hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang nadakip ng mga awtoridad sa operasyon na isinagawa sa kanilang tinutuluyang tahanan sa Brgy. Culiat, Quezon City kamakalawa ng hapon.
Ang pagkakaaresto ng tatlo ay bahagi ng isinagawang anti-criminality operations ng pulisya para matiyak ang katahimikan, kaayusan at kaligtasan ng mga delegado ng idaraos na 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit sa bansa simula bukas, Nobyembre 13.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon upang kumpirmahin ang pagkakasangkot sa ASG ng mga naarestong sina Abdulgaffar Jikiri, alyas Abu Bakar Jikiri, 19, at residente ng 5 Al-Salaam St., 504-G Salaam Compound Brgy. Culiat; Sadam Jhofar, 24, at Alim Sabtalin, 19, kapwa ng 504-G, Salaam Compound, Brgy. Culiat.
Sa ulat ni Eleazar kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, P/Director Oscar Albayalde, dakong alas-5:15 ng hapon nang maaresto ang mga suspek, ng mga tauhan ng QCPD-District Special Operations Unit (DSOU) sa pangunguna ni P/Supt Rogarth Campo; NCRO-D6 National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at ng National Bureau of Investigation (NBI)-Counter Terrorism Division, sa magkasabay na operasyon sa kanilang tahanan sa Salaam Compound.
Narekober mula kay Jikiri ang isang kalibre .45 pistola, M1911 US Army, isang magazine na may apat na live ammunition, dalawang M203 rifle grenades, at anim na cellular phones habang nakuha kay Sabtalin ang isang kalibre .9mm. mga bala at isang cellular phone at nabawi kay Jhofar ang isang kalibre . 45, colt M1911, mga bala at isang itim na sling bag.
- Latest


















