Maute bomber naaresto sa CDO
MANILA, Philippines - Naaresto ang isang pinaghihinalaang bomber ng Maute terrorist group nang maharang ito sa Barangay Macasandig,Cagayan de Oro City kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Brig. Gen. Gilbert Gapay, Spokesperson ng Martial Law (ML) Implementation sa Eastern Mindanao Command ang nasakoteng suspek na si Mohammad Noaim Maute, 22, gumagamit ng mga alyas na Abu Jadid Romato at Almahid na umano ay pinsan ng Maute brothers na sina Omarkhayam at Abdullah Maute na nanguna sa pag-atake sa Marawi City noong Mayo 23.
Sinabi ni Gapay na si Mohammad ay kabilang sa mga personalidad na ipinaaresto kaugnay ng kasong rebelyon sa lungsod ng Marawi na nasa mahigit 3 linggo na sa kasalukuyan.
Batay sa ulat, bandang alas-7:00 ng umaga nang masakote si Mohammad sa Sta. Cruz, Brgy. Macasandig ng lungsod na ito.
Nakumpiska sa suspek ang isang pekeng identification card ng Mindanao State University (MSU) na nakapangalan sa estudyanteng si Alfaiz Mamintal na isa ring miyembro ng naturang teroristang grupo.
Sinabi ni Javier na ang suspek ay isang ‘trained bomber’ ng Maute-ISIS terrorists at isang guro sa Arabic na nagtago sa Cagayan de Oro City may dalawang linggo na ang nakalilipas bago ito nasakote.
Pansamantalang ikukulong ang suspek sa detention cell sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Evangelista.
Magugunita na una nang nasakote ng mga otoridad ang mga miyembro ng pamilya ng Maute brothers kabilang ang kanilang ama at ina na sina Cayamora at Ominta Maute, dalawa pang miyembro ng kanilang angkan at maging ang supporter na si dating Marawi City Mayor Fajad Salic.
- Latest