5 pulis arestado sa hulidap
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng tauhan ng PNP-Counter-Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang pulis matapos na masangkot sa robbery/extortion sa isinagawang magkakahiwalay na entrapment operation sa Maynila at Pasay City.
Iniharap kahapon sa mediamen ni CITF Commander P/Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo ang apat na nasakoteng mga intelligence operatives ng Makati City Police na sina PO2 Harley Garcera, PO2 Clarence Maynes, PO1 Tim Santos at PO1 Jeffrey Caniete.
Ang apat na pulis ay inaresto matapos na ireklamo ng magkasintahang negosyante na kanilang dinukot at kinokotongan ng P400,000.
Ayon kay Malayo, ang apat ay nasakote nitong Martes dakong alas-11:00 ng gabi sa entrapment operation sa panulukan ng Merville Axis Road, Pasay City matapos na ireklamo ng magkasintahang negosyante na may-ari ng bike shop na hindi na tinukoy ng opisyal ang pagkakakilanlan para sa kanilang seguridad.
Ayon sa magkasintahan ay puwersahan silang dinukot ng mga suspect sa kanilang tindahan na matatagpuan sa kahabaan ng Kalayaan Road, Merville East Service Road, Pasay City noong Mayo 8 ng taong ito.
Anila, sila ay pinaikot-ikot ng mga suspect sa loob ng behikulo sa may Pasong Tamo, Makati City na hiningan ng P 400,000 pero P100,000 muna ang paunang naibigay ng magkasintahan na pinalaya sa pangakong ibibigay nila ang balanse kinabukasan at kung hindi ay nagbanta pa ang mga pulis na papatayin ang mga miyembro ng kanilang mga pamilya.
Agad dumulog ang magkasinatahan sa PNP-CITF kaya ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nabatid na may apat pang kasabwat ang apat na pulis na dalawa pang pulis, isang sibilyan at isang retiradong opisyal ng PNP. Kaagad din pinasibak ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang hepe ng Makati City Police na si Sr. Supt. Dionisio Bartolome at Chief Inspector Oscar Pagulayan, hepe ng Intelligence Division ng Makati City Police na immediate supervisor ng mga nasakoteng scalawags na parak.
Naaresto rin ng PNP-CITF personnel si PO1 Efren Guitering ng Manila Police District (MPD) Station 6 sa isinagawang entrapment operation sa San Andres Bukid, Manila bandang alas-5:15 ng hapon kamakalawa.
Nabatid na off duty ang suspect nang arestuhin ang isang sibilyan sa umano’y anti-drug operation dakong alas-9:00 ng umaga nitong Martes na hiningan nito ng P50,000 para hindi umano kasuhan sa korte.
- Latest