Forklift operator, binoga
MANILA, Philippines - Binawian ng buhay noon din ang isang 29 anyos na forklift operator matapos na pagbabarilin sa ulo ng hindi pa nakilalang armadong salarin habang abala sa trabaho sa Sta Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Romero Bustamante, empleyado ng Primiero Auto Supply, residente ng # 2215 Kusang Loob Street, Sta Cruz, Maynila . Ang biktima ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo at may sugat pa sa mukha na siyang dagliang kumitil sa buhay nito.
Sa ulat ni SPO2 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas 8:30 ng umaga sa tapat ng pinapasukang Primiero Auto Supply, sa no. 2241 Severino Reyes st., sa Sta Cruz.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nagmamaneho ng forklift ang biktima nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki sa may likuran at saka bigla na lamang itong pinagbabaril.
Iniimbestigahan pa ang kasong ito upang matukoy ang motibo ng krimen at masakote ang salarin.
- Latest