Lady trader kinatay ng lover Joy Cantos
MANILA, Philippines - Mistulang hayop na kinatay ang ginawa sa isang 39-anyos na negosyanteng ginang nang tadtarin ito ng taga ng kanyang selosong lover kamakalawa sa Brgy. Bayabas Pico, La Trinidad, Benguet.
Ang nasawi ay kinilalang si Evangeline Solino, vegetable trader, tubong Bauko, Mountain Province na nagkalat ang utak at tadtad ng mga taga sa katawan nang madatnan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa kanyang silid.
Sumuko naman ang suspek na si Crispin Babating, 44, utility worker sa DPWH-Cordillera Administrative Region (CAR) na umamin sa krimen.
Ayon sa pulisya, dakong alas-5:45 ng hapon nang madiskubre ang krimen ng anak na babae ng biktima na si Roelyn Kate Solino, 18, estudyante matapos itong umuwi sa bahay.
Bago ito, sa pagitan ng pasado alas-3:00 hanggang alas-5:45 ng hapon sa loob ng bahay na tinitirhan ng maglive-in partner sa JB 170 B, Brgy. Bayabas Pico, La Trinidad ng lalawigang ito ay nagtalo umano ang mga ito sa hindi nabayaran agad na bills sa hospital matapos na ma-confine ang suspek sa pagamutan na labis na nagseselos sa ginang.
Narinig pa ng boarder ng maglive-in partner dakong alas- 3:00 ng hapon ang pag-iyak ng ginang habang nagmamakaawa umano sa pambubugbog ng suspek.
Humantong ang nasabing pagtatalo sa pananaga ng nasabing mister sa ginang na siya nitong ikinamatay.
- Latest