Hindi na mauulit ang Mendiola massacre
MANILA, Philippines – Walang posibilidad na maulit ang ‘Mendiola massacre’ na naganap noong Enero 22, 1987 o kahit ano pa mang katulad na marahas na insidente sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Ito ang pahayag ni Supt. Mannan Muarip ng Manila Police District (MPD) Station 4 na may responsibilidad ng pag-aasikaso ng seguridad sa Mendiola at mga katabing lugar.
Alinsunod sa direktiba ni Mayor Estrada sa pamamagitan ng MPD leadership gayundin mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO), ay magpapatupad sila ng ‘maximum tolerance policy’ sa harap na rin ng inaasahang mga pagkilos sa Mendiola kaugnay ng insidente.
Ang Mendiola massacre, na tinatawag ding “Black Thursday,” ay naganap 29 na taon na ang nakararaan kung saan 15,000 militante na pinangungunahan ng mga magsasaka ang nagmartsa patungong Mendiola upang igiit ang genuine agrarian reform pero marahas silang itinaboy at 13 ang nasawi, 39 ang nagtamo ng gunshot wounds, at 12 ang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang unang linya ng anti-protest forces ng pamahalaan sa naturang insidente ay pinamumunuan ni noo’y Western Police District Director Alfredo Lim.
- Latest