Duterte-Cayetano lang ang dumalo... Presidentiables umatras sa forum
MANILA, Philippines – Inilarawan ni Maria Ressa ng Rappler si Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte at Senate Majority floor leader Alan Peter Cayetano na mga “last men standing” dahil sila lang ang bukod tangi na dumalo sa pinakaunang presidential forum na inorganisa sa Teresa Yuchengco Auditorium ng De La Salle University (DLSU) nitong Miyerkules.
Nabatid na nagkumpirma na dadalo ang mga presidentiables, subalit isa-isang nagback-out sa forum na pinamagatang “#TheLeaderIWant Tandem Forum.”
Iginiit nina Duterte at Cayetano sa programa na makakamtan lamang ang tunay na pagbabago kung aalisin ang pahirap at gulo sa bayan.
Anila ang kanilang plataporma ay isang komprehensibo at matapang na sagot sa kaguluhan sa lipunan na nagbunga ng kakulangan ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
“Sobra na ang kaguluhan. Walang seguridad ang mga tao. Sobra na ang gulo at pahirap na dinadanas ng tao. Sino ba naman ang hindi mapapamura kung paggising mo pa lamang sa umaga hanggang sa pagtulog mo sa gabi, walang tigil ang pahirap at gulo sa ating bayan,” ani Duterte.
Naniniwala naman si Cayetano na kailangan nang i-overhaul ang magulong sistema.
“Hindi na pwede ang pwede na. Hindi na pwede ang konting pagbabago. At lalong hindi na pwede na magpatuloy ang ligaya ng mga nang-aabuso,” ani Cayetano.
Ang kailangan aniya ay matapang na solusyon at mabilis na aksyon para tapusin ang gulo.
Sinagot din ni Duterte at Cayetano ang mga katanungan tungkol sa iba’t ibang problema ng bansa, mula sa trapik hanggang sa mabagal na internet speed.
- Latest