2-anyos anak grinipuhan ng ina
MANILA, Philippines - Sugatan ang 2-anyos na totoy matapos itong saksakin ng sariling ina habang natutulog sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Naisugod naman sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si John Efren habang inaresto naman ang suspek na si Ethelyn de Leon, 21, ng #537-A Lakandula Street sa nasabing lugar.
Sa ulat na nakarating kay Manila Police District-station 2 chief, P/Supt. Nicolas Pinon, nagising ang lolo ng bata na si Mang Edelberto dahil sa malakas na iyak ng biktima.
Inalam niya ito at nangilabot nang makita ang suspek na hawak ang patalim habang duguan ang apo na katabi ng ina sa pagtulog.
Agad dinala ni Mang Edelberto sa pagamutan ang biktima kung saan hindi na nakakausap ng maayos ang suspek kaya hindi makunan ng pahayag kaugnay sa ginawang pananaksak sa anak.
Ayon umano kay Mang Edelberto, single parent ang kaniyang anak na iniwan ng kinakasama kaya kinukupkop nila ito at ang apo.
Nahaharap sa kasong frustrated parricide ang suspek.
- Latest