Sekyu inutas dahil sa pool table
MANILA, Philippines – Napaslang ang 47-anyos na security guard matapos itong barilin ng isang lalaki na galit sa kaniya kaugnay sa pagtatanggal ng itinayong pool table at tent sa binabantayang National Housing Authority (NHA) compound sa Pandacan, Maynila, kamakalawa ng hapon
Hindi na naisalba sa Philippine General Hospital ang biktimang si Mendy Paras ng #2428 Sitio Maliwanag sa Western Bicutan, Taguig City.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Jose Carlo “Pidol” Hermo, 22, ng #1467 Interior 66 sa Gomez Street, Pandacan.
Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang krimen dakong alas-4:20 ng hapon sa loob ng NHA Compound sa Canonigo Street.
Sinamantala na abala sa pakikipag-usap ang guwardiya sa isang kagawad ng barangay nang barilin ito ng suspek. Nagawa namang gumanti pa ng putok ng biktima subalit hindi na niya napatamaan ang suspek at bumagsak na siya.
Ayon kay PO3 Layugan, may galit ang suspek sa biktima dahil giniba nito ang itinayong pool table na may tent sa loob ng compound, gayung bilang bantay ng compound ay may kapangyarihan siyang alisin ang hindi naman nararapat sa compound.
- Latest















