PAGs banta sa 2016 national polls
MANILA, Philippines – Inamin ng Philippine National Police na malaking banta ang private armed groups (PAGs) ng mga pulitiko kaugnay ng gaganaping national elections sa Mayo 2016.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez, puspusan ang isinasagawang monitoring katuwang ang AFP troops upang lansagin ang PAGs ng mga pulitiko.
Sa tala ng PNP, aabot sa 76 PAGS ang natukoy kung saan pinakamarami ay nasa bahagi ng Mindanao.
Kasabay nito, binigyang diin muli ni Marquez na pangunahing banta sa tuwing eleksyon sa bansa ay ang paglutang ng PAGs na kinakasangkapan ng mga pulitiko para i-harass ang mga kalabang kandidato.
Tinukoy ni Marquez ang anim na lalawigan sa inisyal na assessment ng PNP na mga lugar na areas of immediate concern o hotspots sa eleksyon na kinabibilangan ng Masbate, Pangasinan, Negros Oriental, Samar, Maguindanao at ang Lanao del Sur.
Sinabi ni Marquez na mahigpit ang isinasagawa nilang koordinasyon sa militar upang paghandaan ang seguridad para matiyak na malinis at matiwasay na halalan sa bansa.
Nabatid na pinulong ng Comelec ang PNP at AFP kung saan tinalakay ang paghahanda para sa Honest, Orderly, Peaceful Elections (HOPE) na misyon ng pamahalaan.?
Bukod sa mga PAGs ay mahigpit ring tututukan ng PNP ang mga lugar na may banta sa pambansang seguridad na posibleng maging balakid din sa halalan.
- Latest

















