MRT at LRT nagkaaberya na naman
MANILA, Philippines – Magkasunod na nagkaaberya na naman ang biyahe ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) kahapon na ikinagalit ng libu-libong pasahero.
Nabatid sa pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na dakong alas-5:30 pa lamang ng umaga ay ipinaskil na sa mga istasyon ng MRT na hindi diretso ang operasyon sa halip ay partial lamang mula sa North Avenue Station hanggang Shaw Boulevard Station lamang.
Mula naman sa Ortigas Station hanggang Taft Avenue Station at vice versa dahil sa pagkakaroon ng aberya sa riles sa pagitan ng Ortigas Avenue Station at Santolan Station.
Matapos ang mahigit sa isang oras na pagkukumpuni sa riles ay muling naibalik sa normal ang operasyon ng MRT.
Nabatid naman kay Atty. Hernando Cabrera ng LRTA na nagkaroon din ng aberya ang operasyon ng LRT-2 kung saan limitado lamang sa Santolan, Pasig at V. Mapa, Sta Mesa station ang biyahe ng LRT-2.
Sinabi ni Cabrera na mayroon maintenance works na tinapos sa East bound section mula sa Recto Avenue hanggang Legarda, Sampaloc station.
Bandang alas-8:40 ng umaga nang magbalik sa normal ang operasyon ng LRT-2.
- Latest