Mga pulis-pasaway walang bonus
MANILA, Philippines – Nganga sa Pasko ang ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na may kinakaharap na kasong kriminal at administratibo dahilan ni singkong duling ay walang silang matatanggap na bonus.
Ito ang ipinalabas na kautusan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ricardo Marquez bilang bahagi ng pinaiiral na mahigpit na disiplina sa hanay ng kapulisan.
“As a disciplinary policy, release of the 13th month pay to PNP personnel with pending administrative and criminal cases is deferred”, pahayag ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor.
Kahapon, inihayag ni Mayor na ipinalabas na ng PNP Headquarters ang 2015 year end bonus para sa 160,000 aktibong PNP personnel bilang maagang pamaskong handog sa mga ito sa kanilang mahusay na serbisyo publiko.
Aabot sa P2.027 bilyon ang inilaang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para mabayaran ang year-end bonus ng mga PNP personnels.
Sinabi naman ni PNP Chief Marquez na ang year-end bonus ay kumakatawan sa 50% ng 13th month pay at iba pang cash benefits alinsunod sa itinatakda ng batas para sa lahat ng manggagawa sa gobyerno.
Ang unang yugto ng 13th month pay na bonus ng mga pulis ay ipinalabas na ng PNP noong Mayo 2015.
Sinabi naman ni P/Director Danilo Pelisco, PNP Director for Comptrollership (TDC) na ang mga bonus ng mga pulis ay makukuha na ng mga ito sa kanilang ATM payroll accounts ng Land Bank of the Philippines (LBP) na ipinalabas ng PNP Finance Service sa iba’t- ibang Police Regional Offices, National Support Units sa pamamagitan ng Regional Finance Service Offices (RFSO) sa buong bansa.
- Latest