3rd bilibid raid: Gadgets, kontrabando nasamsam
MANILA, Philippines - Muling nakasamsam sa ikatlong raid ang Bureau of Corrections (BuCor) ng mga electronic gadgets, at iba pang kontrabando nang kanilang suyurin ang mga piitan sa maximum security compound ng New Bilibid Prison kahapon.
Sa paggalugad kahapon ng alas-4:30 ng madaling araw ng mga tauhan ng BuCor
sa quadrant 1 at 2, na nasa building 1,4,6,7 at 11 sa loob ng Maximum Security Compound ng NBP na may 4,000 inmates ang nakakulong dito ay nakumpiskahan ng mga operatiba ang ilang flat screen TV, air conditioning unit, at refrigerator sa Building 1.
May nasabat ding imported na alak, mamahaling sound system at iba’t ibang uri ng patalim.
Sinabi ni BuCor director general Ricardo Rainier Cruz na mas kaunti ang kanilang nasamsam kaysa sa mga kontrabandong nasabat ng mga operatiba sa paglulunsad ng Oplan Galugad sa Building 2 ng Bilibid nang nakaraang linggo.
Maaari anyang natunugan ang kanilang operasyon at hindi nila iniaalis ang posibilidad na naitago ang mga kontrabando.
Nangako naman si Director Cruz na tuluy-tuloy ang kanilang pagsuyod.
- Latest

















