Katawan ng delivery boy tinaniman ng 11 bala
MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang 47-anyos na lalaki nang ito ay tadtarin ng bala ng suspek na nakamotorsiklo kahapon ng umaga sa Pasay City.
Ang biktima na nasawi noon din dahil sa 11 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Rustomer Valerio, ng 675 Gloria St., ng naturang lungsod.
Ang suspek na tumakas ay nakilalang si Mark Joseph Martinez, may sapat na gulang, at residente ng naturang lugar.
Batay sa ulat, dakong alas-8:32 ng umaga ay ipinaparada ng biktima ang kanyang delivery tricycle sa kanto ng Gloria at D. Jose Sts., Barangay 130 nang biglang sumulpot ang suspek na nakasakay ng motorsiklo at walang kaabog-abog na pagbabarilin ang biktima.
Nang bumulagta ang biktima ay tumakas ang suspek at ilang minuto ay bumalik ito sa crime scene para makihalubilo sa mga tao na nag-uusyoso sa bangkay ng biktima.
Subalit, namukhaan ng ina ang suspek na nakatitig sa kanya kaya’t dali-dali itong tumakas at hinabol ng mga pulis, subalit hindi naabutan.
- Latest
















