Robin nagsuko ng mga baril
MANILA, Philippines – Isinuko ni actor Robin Padilla ang apat niyang matataas na kalibre ng armas na kabilang sa kaniyang koleksyon sa pagtungo nito sa Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.
Bandang alas-12:00 ng tanghali nang dumating sa tanggapan ng PNP-Firearms Explosives Office (PNP-FEO) upang isuko ang kaniyang mga baril na malapit ng mag-expire ang lisensya.
Ang pagsuko ay habang nireresolba ang aplikasyon ni Padilla sa License to Own and To Possess (LTOP) para makapag-ingat ng mga armas.
Ayon kay Atty. Rudolf Hurado, legal counsel ni Padilla, minabuti nilang ipa-safe keeping muna ang naturang mga armas na kinabibilangan ng dalawang baby armalite, isang garand rifle at isang cal 30 habang naghihintay pa ang desisyon ng PNP-FEO kung iisyuhan ng LTOP ang aktor dahilan isa ito sa mga rekisitos para makapag-ingat ng mga baril.
Ipinaliwanag ni Hurado na kapag convicted ang isang gun owner ay hindi na ito maaring maisyuhan pa ng LTOP kaya ito’y kanila munang aayusin.
Sinabi naman ni Padilla na mas mabuti na ang isuko niya ang kaniyang mga koleksyon ng armas dahilan baka maapektuhan siya ng Republic Act 10951 o ang bagong Firearms Law.
Inamin ng aktor na na-trauma na siya sa pagkakakulong sa Bilibid dahilan sa kasong illegal possession of firearms may ilang taon na ang nakalilipas.
- Latest