Kinalasan ng nobya... Binata sinunog ang sarili
MANILA, Philippines - Sa sobrang desperado sa buhay matapos kalasan ng nobya ay nagsaksak sa sarili ang isang 24-anyos na lalaki at sinilaban pa ang inuupahang bahay kaya’t nalitson ito na naganap kamakalawa ng hapon sa Purok 7A, Brgy. Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte.
Ang biktima na halos hindi na makilala dahil sa pagkasunog ng buong mukha at katawan ay kinilalang si Noriel Legaspi, kawani ng Karisma Videoke Bar at residente ng Purok 8, Brgy. Alawihao, Daet, ng lalawigan.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-3:00 ng hapon ay nakita ng mga residente na nagliliyab ang bahay kubo ng biktima na mabilis lamunin ng apoy.
Halos kalahating oras bago tuluyang naapula ng mga bumbero ang nasusunog na bahay kubo at nang magsagawa ng mopping operation ay nakita ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa sala.
Nang siyasatin ay nakita ang mga tama ng saksak sa katawan nito kaya’t hinihinala na nagsaksak muna ang biktima bago sinunog ang bahay.
Sa salaysay ng kasamahan sa trabaho ng biktima na si Zharlyn Paraiso,18, simula ng kalasan ang biktima ng kanyang nobya na si Carla Balensuelo na tubong Atimonan, Quezon ay naging desperado na ito sa buhay.
Malaki ang hinala ng pulisya na nagpakamatay ang biktima.
- Latest