Indian national na-rescue, 4 kidnaper nadakip
MANILA, Philippines - Nailigtas ng mga ahente ng NBI ang isang Indian national na si Jujhar Singh na dinukot sa Makati City kamakailan matapos na salakayin ang safehouse na pinagdalhan dito sa Laguna.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Zahr-Ahmed Chaudry, utak sa pagkidnap, isang Pakistan National, at bayaw nitong si Jimmy Cortez ng General Trias, Cavite; Joshi Tarun at Pradeep Kumar Sharma na parehong Indian national.
Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang baril, cell phone, SUV, at iba pang mga dokumento na may kinalaman sa kidnapping.
Iniimbestigahan pa ang mga posibleng kasabwat ng sindikato na isang pulis dahil ang nakuhang pistol ay PNP issued.
Batay sa ulat, Setyembre 25, 2015 habang naniningil ng pautang ang biktima sa Edison St., Makati nang ito ay dukutin at isinakay sa puting van na sinabing nirentahan bago inilipat sa back-up na convoy Fortuner at dinala sa safehouse.
Dahil sa maigting na intelligence gathering ay natukoy ang pinagdalhan ng mga suspek sa biktima sa isang safehouse sa Banay-banay, Cabuyao, Laguna na nadatnang nakaposas ang mga kamay at naka-kadena ang mga paa sa bintanang bakal na pinahirapan ng anim na araw na unang nang hiningan ng ransom money na P20 milyon ang sindikato sa kapatid ng biktima.
Nagsagawa ng follow-up operation at isa-isang nadakip ang mga suspek sa General Trias, at sa Maynila.
- Latest