Pamahalaan handa sa El Niño - Pangilinan
MANILA, Philippines – Naghahanda na ang pamahalaan upang malabanan ang posibleng malalang epekto ng El Nino phenomenon sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Presidential Assistant on Food Security Sec. Francis “Kiko” Pangilian dahil nagtatrabaho ang pamahalaan upang hindi na maulit ang naranasang naganap na El Nino crisis noong taong 1997 hanggang 1998 kung saan ay 25 porsyento ng mga pananim ang nasira at mas handa ngayon ang gobyerno upang tulungan ang mga magsasaka sa pagharap sa El Niño at kung papaano makakaiwas dito.
Anumang oras ay handa ang cloud-seeding program ng pamahalaan, paggamit ng Doppler radars, at libreng pamamahagi sa mga magsasaka ng rice varieties na hindi nangangailangan ng maraming tubig sa pagtatanim upang lumaki, gayundin ang pagkakaloob ng alternatibong mapagkakakitaan ng mga magsasaka sa panahon ng rehabilitasyon sa mga irrigation canals.
Bago pa man tumama ang El Niño sa bansa ay namigay na ang National Irrigation Administration (NIA) ng 402 irrigation projects sa mga organisadong irrigators sa buong bansa, kabilang ang 166 National Irrigation Systems (NIS) at 236 Communal Irrigation Systems(CIS), paggawa ng dams, main at sub-lateral canals, canal structures at drainage facilities.
Magkatulong ang NIS at CIS sa pagpapatubig sa kabuuang 124,633.54 hektaryang bukirin na pakikinabangan ng 48,234 na magsasaka at aabot sa P3.5 bilyon ang halaga ng mga proyekto.
- Latest