APEC, magdudulot ng mas matinding kahirapan - KMU
MANILA, Philippines – Inihayag ni Jerome Adonis, secretary General ng Kilusang Mayo Uno na mas matinding kahirapan sa hanay ng mga manggagawa at mamamayan ang ihahatid sa bansa ng isasagawang Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Pilipinas sa Nobyembre 22 hanggang 26, 2015.
Dahil nang gawin ang unang APEC summit sa bansa noong 1996 ay pangakong pagsigla ng kabuhayan at paglago ng ekonomiya ang sinasabing pangunahing layunin nito pero makaraaan anya ang halos dalawang dekada, gutom at kawalang trabaho ang nararanasan ngayon ng maraming maralitang Pilipino.
“Tulad noong 1996, hindi magpapalinlang ang mga manggagawa at mamamayan. Lalong ipinakita ng dalawang dekadang lumipas na ang APEC ay instrumento ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal laban sa sambayanang Pilipino. Mas malaganap ngayon ang kawalang-trabaho, mas barat ang sahod, mas maraming kontraktwal, at mas siil ang pag-uunyon. Mas naghirap at nagutom sina Juan at Juana dela Cruz” wika ni Adonis.
Nanawagan si Adonis sa sambayanang Pilipino at mga obrero na makiisa at makilahok sa mga protesta laban sa APEC para tutulan at labanan ang pagpapasahol ng kahirapan, kagutuman at pagsasamantala na ating nararanasan ngayon.
- Latest