No whitewash, no VIP sa Reyes brothers-DILG chief
MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ni Interior and Local Government Secretary Mel Senen Sarmiento na walang magaganap na whitewash, at VIP treatment sa magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes na akusado sa pagpatay kay environmentalist at broadcaster na si Gerardo “Doc Gerry” Ortega noong Enero 24, 2011 matapos dumating ang mga ito kahapon sa bansa.
“Patas sa mata ang ating estado kahit constitution equal
protection clause, walang special treatment (whitewash, VIP treatment) ”, pahayag ni Sarmiento matapos nilang iharap ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez sa PNP Press Corps ang magkapatid na Reyes sa Camp Crame.
Dumating kahapon ng alas-3:08 ng madaling araw ang Reyes brothers lulan ng Philippine Airlines (PAL) flight 733 matapos sunduin ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) operatives sa Bangkok, Thailand na ipina-deport dahilan sa paglabag sa immigration law doon.
Sa paglapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 ay agad isinilbi sa mga ito ang warrant of arrest sa kasong murder sa pagpatay Ortega.
Agad namang ineskortan ng convoy ng PNP vehicle ang magkapatid na Reyes na dinala sa PNP Headquarters dakong alas-3:57 ng madaling araw sa Camp Crame.
Sa kabila ng nakaposas ay nakangiti si dating Gov. Joel habang tahimik naman ang kapatid nitong si Mario ng dalhin sa Camp Crame at isinailalim sa booking process tulad ng mugshot, medical examination at finger printing.
Hirit sana ng kampo ng mga Reyes na isailalim ang dalawa sa executive medical check up sa isang pagamutan dito sa Metro Manila pero hindi sila napagbigyan.
Bandang alas-10:00 ng umaga, inilabas na ng PNP-CIDG ang magkapatid patungo muli sa airport at muling inilipad patungo sa Puerto Princesa City, Palawan.
Sinabi naman ni Marquez na itu-turnover na nila sa korte ng Palawan ang Reyes brothers at bahala na itong mag-isyu ng commitment order kung saan ididetine ang mga ito.
- Latest