Mag-asawang Indian national, inambus
MANILA, Philippines – Isang mag-asawang negosyante na Indian national na sakay ng kotse ang pinagbabaril ng riding-in-tandem na ikinasawi ng lalaki habang nasa kritikal ang misis nito sa naganap na ambush kahapon ng umaga sa kahabaan ng Alcantara Subdivision, Brgy. Zone 2, Dasmariñas City, Cavite.
Ang nasawi ay kinilalang si Singh Aman Deep, 33, habang malubhang nasugatan ang misis na si Kaur Aman Deep, 29, kapwa residente ng Blk 5, Lot 11 Emerald Crest Subd., Brgy. San Jose, Dasmariñas City, Cavite.
Sa ulat, dakong alas-8:15 ng umaga ay sakay ang mag-asawa ng kanilang Toyota Vios (ZHX-571) at binabagtas ang main road ng nasabing subdibisyon nang tapatan ito ng isang suspek na naglalakad at agad na pinagbabaril ang mag-asawa.
Nang mabaril ay mabilis itong tumakbo patungo sa kasamahan na sakay ng motorsiklo na naghihintay sa hindi kalayuan.
Sinaklolohan ang mag-asawa na residente sa lugar at dinala ang mga ito sa pagamutan, subalit idineklarang dead on arrival ang lalaki habang ang misis ay patuloy na inoobserbahan.
Inaalis ng pulisya ang anggulong holdap dahil walang kinuha ang mga suspek sa mag-asawa.
- Latest