Mar nakahabol ... Poe, Binay nagtabla - SWS
MANILA, Philippines – Lalong uminit ang karera pampanguluhan sa bagong resulta ng pre-election survey ng Social Weather Stations o SWS.
Sa survey na pinondohan ng pahayagang Business World na sumakop ng 1,200 respondents na ginanap noong Setyembre 2 hanggang Setyembre 5, ay tinanong ang mga na-survey kung sino ang iboboto nila para maging pangulo kung sakaling yung araw na ring yun ang halalan.
Pinapili ang mga respondent mula sa listahang may 12 pangalan.
Nasa 26% ang pumili kay Senador Grace Poe, habang 24% ang pumili kay Vice President Jejomar Binay at 20% naman ang pumili kay Mar Roxas, ang pambato ng Aquino administration.
Dahil may palugit sa pagkakamali ang survey na ‘di bababa at ‘di hihigit sa 3%, tinawag na “statistical tie” o halos tabla ng mga political analyst ang resulta ng survey.
Malaki ang inangat ng rating si Roxas na sa huling survey ay nakakuha ng 10%.
Ibig sabihin nito ay sa loob ng tatlong buwan lamang ay dumoble agad ang mga numero nito, pagkatapos endorsohin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino bilang personal niyang pambato at kandidato.
Ikinatuwa rin ni Atty. Rico Quicho, vice presidential spokesperson ang resulta ng panibagong SWS survey na lalong nagbigay ng inspirasyon sa Bise Presidente para lalong pagbutihin ang trabaho at hindi masyadong mag-overconfident.
Nagpapasalamat din si Binay sa mga tao na sumusuporta at patuloy na nagtitiwala at nangako na pagbubutihin ang pagtatrabaho para abutin pa ang mga maraming botante sa abot ng kanyang makakaya.
- Latest