2 holdaper ng bus utas sa parak
MANILA, Philippines - Mistulang eksena sa pelikula ang nangyaring barilan sa loob ng isang pampasaherong bus matapos na mapatay ng isang pasaherong pulis ang dalawa sa tatlong holdaper na nakasagupa nito kamakalawa ng gabi sa may North Luzon Expressway (NLEX) Caloocan City.
Ang dalawang napatay na holdaper ay inilarawan ang isa na nasa edad 32, may taas na 5’2”, katamtaman ang katawan, nakasuot ng sweatshirt na may tatak na “Biology” at pulang short pants habang ang isa ay may taas ring 5’2”, nasa 25-anyos, may suot na puting t-shirt at maong na pantalon. Nakatakas naman ang ikatlong suspek.
Ang pulis na nakasagupa ng mga holdaper ay kinilalang si PO2 Ryan Cabansag, 31, nakatalaga sa Headquarters Support Service (HSS) sa Camp Crame, Quezon City.
Batay sa ulat, dakong alas-10:25 ng gabi ay binabagtas ng Del Carmen bus (AIA 9766) na may biyaheng Bocaue, Bulacan ang northbound lane ng NLEX sa bahagi ng Brgy. 160, Caloocan nang magdeklara ng holdap ang tatlong suspek na armado ng mga baril.
Dahil nasa panganib ang 37 pasahero ng bus ay nagpakilala pulis si PO2 Cabansag, ngunit agad umano siyang binaril ng mga holdaper subalit hindi tinamaan.
Kaya’t gumanti ng putok ang pulis at napuruhan ang dalawang holdaper habang ipinasya ng ikatlong salarin na tumakas.
Rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela City Police ng huminto ang bus sa may bahagi ng Malinta Exit ng NLEX na sakop na ng Valenzuela City.
Narekober ng pulisya ang tatlong cartridge, isang slug ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at isang rebolber na baril.
- Latest