Pinagbabaril sa taxi... intsik utas sa ambush
MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang Chinese national nang pagbabarilin habang lulan ng taxi ng mga suspek na sakay ng isang itim na SUV kahapon ng madaling araw sa Malate, Maynila.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang tunay na pangalan ng biktima sa Chinese Embassy na kinilala lamang sa alyas na “Awei”, nasa 25-30 ang edad, na nagtamo ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan.
Nasugatan ang taxi driver na si Edgardo Atacador, 55, ng Arjapa taxi, residente ng Alabang, Muntinlupa City, na ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) sa tama ng bala sa kanang bahagi ng katawan.
Lumalabas sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling araw ay isang SUV na kulay itim ang dumikit sa sinasakyang Arjapa taxi ng biktima na nakaupo sa harapan nang paputukan ito ng ilang ulit sa tapat ng De La Salle University sa Taft Avenue, kanto ng Estrada St., Malate.
Bago ang krimen ay nakipagkita ang biktima sa kaibigang si Dong Ming Zhang, 30 ng Makati Avenue at iba pang Chinese national sa Resorts World at nagpasiyang magtungo sa Royal KTV sa Malate kung saan sila nag-inuman.
Nang magpasiyang umuwi ang iba ay sumakay naman ng taxi sina Awei at Dong Ming na magpapahatid sana sa Makati Avenue, subalit habang nasa southbound lane ng Taft Avenue ay tinambangan sila at napuruhan ang biktima habang nasugatan ang driver at nakaligtas si Dong Ming.
Tumakas ang mga suspek sa direksiyon ng Vito Cruz, Malate.
- Latest

















