5 NPA rebels napatay
MANILA, Philippines – Napaslang ang limang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang dalawa ng sundalo ang nasugatan nang magsagupa ang dalawang panig kamakalawa sa Pangantucan, Bukidnon.
Sa ulat na natanggap ni Captain Alberto Caber, spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command, dakong alas-4:14 ng hapon ay nagsasagawa ng security patrol ang mga elemento ng 3rd Special Forces Company at 1st Special Forces Battalion nang masabat ang grupo ng mga rebelde sa pamumuno ng isang alyas Ka Andy sa Brgy. Mendiz sa bayang ito at agad na nagkaroon ng palitan ng putok.
Ang palitan ng putok ay nagresulta sa pagkamatay ng limang rebelde na ang mga bangkay ay inabandona ng kanilang mga nagsitakas na kasamahan. Inaalam pa ang pagkakakilanlan sa mga nasawing rebelde.
Isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang sundalo upang malapatan ng lunas.
Habang narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang AK 47 rifle, dalawang backpacks, mga pagkain at medical supplies ng mga rebelde.
- Latest