P1.2-M pekeng produkto nasamsam
MANILA, Philippines – Aabot sa P1.2 milyong halaga ng mga pekeng seasoning products ang nasamsam matapos salakayin ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang limang bodega sa Barangay Sta. Ana at Barrio Obrero sa Davao City kamakalawa.
Ayon sa bagong PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Victor Deona, ang raid ay isinagawa sa bisa ng limang search warrant na inisyu ng korte laban sa mga tiwaling distributor at retailers ng mga pekeng produkto.
Ang operasyon ay base sa reklamo at paghingi ng tulong sa PNP-CIDG ng mga lehitimong brand owners ng mga kilalang seasoning products laban sa mga bogus na produkto na ibinebenta sa bansa.
?“One of the mandates of our operatives is to enforce the law on Intellectual Property Rights (IPR) and assist those rightful owners for a fair or just competition and protection of property rights,” pahayag ni Deona.
Umaabot sa 413,280 piraso ng mga pekeng seasoning products ang nasamsam sa mga bodega at storage na pinag-iimbakan nito sa inilatag na serye ng operasyon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 168 (Unfair Competition, Rights, Regulation and Remedies) at RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang mga may-ari ng limang bodega.
- Latest