Kabit ni misis, dinedo ni mister
MANILA, Philippines – Karumaldumal ang naging kamatayan ng isang kalaguyo na matapos barilin ng shotgun ay pinagsasaksak pa ito ng mister ng kanyang kabit na naganap kamakalawa sa Brgy. Palomoc, Titay, Zamboanga Sibugay.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Arnold Panisa, 30-anyos sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng shotgun sa iba’t ibang bahagi ng katawan at saksak sa likuran.
Agad nadakip ang suspek na si Manuel Gadje, 31-anyos, residente sa lugar.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-6:00 ng umaga ay lasing na nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek.
Inungkat nito sa suspek na sabihan ang kanyang misis na tapusin na ang kanilang relasyon na kalat sa kanilang barangay.
Nabatid na matagal nang alam ng suspek ang relasyon ng kanyang misis at biktima subalit pinabayaan niya ito hanggang sa mapuno ito kahapon dahil sa harap-harapan ang pang-iinsulto sa kanyang pagkalalaki.
Kinuha ng suspek ang 12 gauge shotgun at binaril ang biktima na duguang bumulagta.
Hindi pa nasiyahan ang suspek ay kinuha nito ang patalim at inatado nang saksak sa likod ang biktima.
Ang suspek ay nakakulong na at nahaharap sa kasong murder.
- Latest
















