Sa cupcake at ice candy... 400 mag-aaral nalason
MANILA, Philippines - Umaabot sa 400 estudyante ang naratay sa pagamutan nang malason ang mga ito sa kinaing cupcakes at ice candy na ipinamahagi sa feeding program sa isang elementary school sa Calamba City, Laguna kahapon.
Batay sa ulat ni Vicente Tomazar, Director ng Office of Civil Defense (CALABARZON), dakong alas-10:00 ng umaga ay nagsagawa ng feeding program sa Real Elementary School sa Brgy. Real ng lungsod bilang bahagi ng nutrition program ng City College of Calamba.
Pagkalipas ng isang oras matapos makain ng mga elementary pupils ang ipinamahaging cupcakes at ice candy ay nagsimula na ang mga itong dumaing ng matinding pananakit ng tiyan, ulo, pagsusuka at pagtatae kaya’t isinugod ang mga ito sa iba’t ibang pagamutan sa Laguna at Sto. Tomas , Batangas.
Ang mga biktima ay nagkakaedad mula 5-anyos hanggang 12-anyos ay nagsabing mapait umano ang lasa ng ice candy na kinain nila sa feeding program.
Nabatid na ang mga estudyanteng On-the-Job Training (OJT) ang namahagi sa mga elementary pupils ng cupcake at ice candy sa naturang feeding program.
Isinasailalim na sa pagsusuri ng mga health officials ang sample ng mga ice candy at cupcakes na nakain ng mga batang mag-aaral.
- Latest