Recall election vs. Bayron niluto
MANILA, Philippines – Pumalag si Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron sa desisyon ng election officer ng Commission on Elections (Comelec) na kaagad tapusin ang beripikasyon ng mga nagsilagda sa recall petition laban sa kanya kahit libu-libo pang pirma ang dapat suriin at beripikahin.
Ayon kay Bayron sa 35,731 lagda sa petisyon, 32,322 pa lamang ang nasuri at naberipika kaya malinaw na minadali ang proseso.
Nilinaw ni Bayron na minamaniobra ang recall bid dahil natuklasan ng mga mamamayan na may pandaraya sa petisyon at galit na ang publiko.
Kamakalawa, nag-rally ang kamag-anak ng mga patay nang nagsilagda sa petisyon upang igalang naman ng mga nasa likod ng kabastusang ito ang mga nasa kabilang buhay.
Ibinunyag ng abogada ng mga botante na si Atty. Jean Lou Aguilar na 14,000 sa mga lagda sa petisyon ang pinalsipika, doble-doble ang pagkakalista at may pirma maging ng mga patay nang botante.
Nagsampa na si Aguilar ng mga kasong palsipikasyon sa pinuno ng petisyon na si Alroben Goh, dating public information officer ng Puerto Princesa City.
- Latest





















