Lola dedo, 1 kritikal sa kawatan
MANILA, Philippines - Isang 76-anyos na lola ang patay habang kritikal naman ang kakambal nito nang pasukin ng umano’y magnanakaw ang kanilang tinutuluyang bahay sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nakilala ang nasawi na si Purisima Torregrosa, dalaga, habang sugatan naman ang kapatid nitong si Pura.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya ang magkapatid na kambal ay pitong taon nang caretaker sa naturang bahay sa No. 86 Talayan Road, Talayan Village, Brgy. Talayan sa lungsod kung saan sila kasalukuyan naninirahan.
Nadiskubre ni Albert Torregrosa, anak ni Pura, ang insidente dakong alas 9:10 ng gabi. Dinatnan umano niya ang gate ng kanilang bahay na bahagyang nakabukas. Natagpuan niya ang tiyahing si Purisima na nakalugmok malapit sa main door habang ang kanyang inang si Pura ay nasa kuwarto at walang malay-tao.
Sa tulong ng mga kapit-bahay ay itinakbo ang mga biktima sa Chinese General Hospital.
Sa inisyal na pagsisiyasat lumalabas na robbery ang motibo sa krimen dahil nawawala ang 22 inch Led Television sa bahay ng mga biktima.
Puwersahan umanong sinira ang main door ng bahay ng mga biktima at saka sinimulang limasin ang nasabing gamit.
- Latest