2 piloto patay sa plane crash
MANILA, Philippines - Nasawi ang dalawang piloto makaraang aksidenteng bumagsak ang pinalilipad na trainer plane habang nagsasagawa ng ‘air exhibition’ sa pagdiriwang ng ‘Liberation Day’ naganap kahapon ng umaga sa Brgy. Bucana, Nasugbu, Batangas.
Ang dalawang piloto na nasawi ay kinilalang sina Captain John Bayao at co-pilot nitong si 1st Lt Nazaer Jana.
Batay sa ulat, dakong alas–9:40 ng umaga nang bumagsak ang SF260FH No.1034 trainer aircraft sa bahagi ng karagatan ng Nasugbu, Batangas.
Nabatid na ang trainer aircraft ay nagtake-off sa Fernando Air Base sa Lipa City bandang alas-9:07 ng umaga na kabilang sa 3 aircraft na nagsasagawa ng ‘formation training mission’ nang mangyari ang aksidente.
Agad namang nagresponde ang search and rescue team ng Philippine Air Force kabilang ang ilang helicopter galing sa Villamor Air Base sa Pasay City para hanapin ang dalawang piloto.
Pagkalipas ng ilang oras ay narekober ang dalawang piloto na kapwa patay na sa naturang karagatan.
“The SF 260 trainer plane accidentally dive in seawaters of Nasugbu, Batangas while performing air exhibition during the celebration of Liberation Day”, pahayag ni Lt.Col. Enrico Canaya,Spokesman ng Philippine Air Force (PAF).
Bumuo na ang PAF ng probe team upang imbestigahan ang sanhi ng pagbagsak. - Joy Cantos-
- Latest