1 patay 1 sugatan sa inuman
MANILA, Philippines - Patay ang isang mister at sugatan naman ang kasama nito nang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki habang ang una ay nakikipag-inuman sa isang lugar sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Roberto Declines, 31, ng Moral St., Brgy. Bagong Pag-asa sa lungsod, habang patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang sugatang si McJebyver Potestades, 27, binata, merchandizer ng nasabi ring barangay.
Inilarawan naman ang suspek na may taas na 5’10, walang damit pang-itaas, nakasuot ng short pants, ay natatakpan ng towel ang kalahati ng kanyang mukha.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa may compound na tinutuluyan ng mga biktima ganap na alas-8:10 ng gabi, kung saan nag-iinuman ang mga ito nang bigla na lang pagbabarilin ng suspek na may takip ang mukha. Agad na tumakas ang suspek na patungo sa direksiyon ng Edsa.
Matapos nito, kapwa isinugod ang mga biktima sa East Avenue Medical Center, pero idineklarang dead on arrival si Declines, habang nilalapatan naman ng lunas si Potestades. Nakuha ng otoridad sa lugar ang limang basyo ng kalibre 9mm na baril at patuloy na iniimbestigahan ang motibo ng pagpatay.
- Latest