Barangay chairman binistay
MANILA, Philippines - Patay ang isang barangay chairman matapos itong pagbabarilin ng dalawang kalalakihang nakamotor kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Mula sa Taguig-Pateros District Hospital ay agad na inilipat sa Saint Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City ang biktimang si Aurelio Paulino, 68, ng Barangay Lower Bicutan ng naturang lungsod, subalit
binawian ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas dahil sa ilang tama ng bala sa katawan.
Sa inisyal na report na natanggap ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-9:30 ng gabi sa kahabaan ng Manuel L. Quezon Avenue, Purok 3, Barangay
Lower Bicutan ng naturang lungsod habang papauwi ang biktima mula sa duty bilang chairman ng barangay. Bigla na lang sumulpot ang mga suspek sakay ng motorsiklong walang plaka at agad na pinagbabaril ang biktima.
Matapos ang pamamaril ay dali-daling pinaharurot ng mga suspek ang kanilang
motorsiklo at mabilis na nagsitakas.
Inaalam ng pulisya kung may cctv camera sa naturang lugar at kung nakuhanan ang naganap na pamamaril. Nagsasagawa na rin ng manhunt operation ang mga otoridad laban sa mga suspek. (Lordeth Bonilla)
- Latest