Roxas binuksan ang ‘one-stop shop’ ng pamahalaan sa Laguna
MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas ang pagpapasinaya sa kauna-unahang regional government center na maghahandog ng mga serbisyo ng DILG at iba pang ahensiya sa okasyong ginanap sa Calamba City, Laguna.
Tinatayang nasa P2.5 bilyon ang halaga ng joint venture project ng pamahalaang lungsod ng Calamba at ng Alloy MTD (Meaning of True Development) Malaysia na magsisilbing “one-stop shop” para sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan para sa buong CALABARZON.
Ang Alloy MTD Malaysia ay nakabase sa Kuala Lumpur at may mga operasyon sa 14 na bansa sa Asya, kabilang na ang Pilipinas at iba pang bansa sa Middle East.
May 50 ahensiya ng national government ang magiging kabahagi sa “one-stop shop” na ito sa Barangay Mapagong, Calamba City, Laguna.
Ani Roxas, makatutulong ito upang mabigyan ng mas maayos na serbisyong pampubliko ang mga nasa labas ng kabisera at upang mabawasan rin ang mga taong naaabalang sadyain pa ang pagpunta sa Metro Manila upang makinabang sa mga serbisyong ito.
Makikita din sa bubuksang “one-stop shop” ang “state-of-the-art” at makabagong disenyo, mga kagamitan at pasilidad para sa higit na ikabubuti ng pagseserbisyo ng DILG at ng buong pamahalaan para sa taumbayan.
- Latest