COA report: Cash advance sa Taguig may iregularidad
MANILA, Philippines – Mayroon umanong iregularidad sa sobrang mga cash advances (CAs) ng pamahalaang lungsod ng Taguig na ipinalabas nito para sa mga scholarship program, birthday at cash gift para sa mga senior citizen.
Ito ang lumalabas sa taunang audit report ng Commission on Audit sa Taguig para sa calendar year na 2013.
Batay sa report na ang kawalan ng mga tama at balidong dokumento tulad ng wastong receipted payroll na dapat sanang nakakabit sa disbursement voucher.
Sa halip anya ay isinumite lang ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang listahan ng mga scholar sa ilalim ng Lifeline Assistance for Neighbors In-Need (LANI) Scholarship Program na nagpapakita sa kanilang district, school at corresponding amount na sinasabing natanggap mula sa pamahalaang-lungsod.
Sinasabi ng COA na sa ilalim ng State Audit Code of the Philippines, ang kumpletong dokumentong suporta sa mga hinihinging pondo ng pamahalaan ay pundamental na prinsipyo sa lahat ng transaksyon sa pera at operasyon ng anumang ahensiya ng pamahalaan.
Pinuna ng COA ang sobrang P6.33 milyon mula saP22.33 milyong total cash advance para sa cash gift ng mga senior citizen batay sa naka-file na cash advance disbursement vouchers on file na isang paglabag sa Section 4.2.1 ng COA Circular No. 97-002 na may petsang February 10, 1997.
Binanggit sa COA report na, sa halip na wastong receipted payroll, ang listahan lang ng 28 barangay at Obligation Request ang kasama sa mga disbursement voucher para sa birthday at cash gifts sa mga senior citizens.
Natuklasan din ng audit team na ang mga LANI scholar na nabiyayaan ng P20,000 hanggang P40,000 financial assitance bawat isa ay binigyan ng cash sa halip na tseke para sa bawat intended payee. Taliwas umano ito sa naturang COA circular na nililimitahan lang sa P15,000 ang pinahihintulutang bayarin mula sa cash advance.
- Latest