Kidnapping group naghahanap ng target sa Facebook
MANILA, Philippines – Nagbabala ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging maingat sa mga pino-post na larawan at kabuhayan sa mga social networking site tulad ng Facebook upang hindi makahikayat sa mga kriminal at maging biktima ng pagdukot para humingi ng ransom.
Ito ang sinabi ni Senior Supt. Rene Aspera, chief of staff ng Anti-Kidnapping Group dahil ang mga sindikatong sangkot sa kidnapping ay gumagamit na ng Facebook o social networking websites sa paghahanap ng maaaring maging mga biktima.
Iniulat ng AKG na ngayong 2014 ay nakatanggap na sila ng 43 kaso ng kidnap-for-ransom sa Luzon at Mindanao, at 24 dito ay naresolba.
Sa 43 mga kaso, 21 ang sa Luzon habang 22 ang sa Mindanao, karamihan ay may kaugnayan sa Abu Sayyaf Group.
Ang kaso ng kidnapping na may kaugnayan sa Facebook ay mas mababa sa limang insidente, pero tinitignan pa ng PNP ang mga bagong taktika.
Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na limitahan o kontrolin ang laman ng kanilang ipino-post sa Facebook, Twitter at iba pang social networking websites, partikular sa kanilang yaman o mga pag-aari.
Pinaalalahanan din ni Aspera ang publiko na i-secure ang kanilang social media accounts sa private security setting upang malimitahan ang mga taong nais na tumingin sa kanilang mga ipino-post.
Ang AKG ay mayroong walong target na kidnapping group at naaresto ang tatlo sa mga lider ng grupo nitong nakaraang buwan na sina Reccinte Padillo, Tyrone dela Cruz, at Martin Lico.
Si Padillo ay itinurong utak sa 2013 kidnapping sa negosyanteng si Sally Chua, na nailigtas sa Davao City; habang si Lico ang namuno sa isang kidnap-for-ransom group na sangkot sa mga robbery habang si Dela Cruz ay nakasuhan sa pagdukot sa isang mag-asawang Filipino-Chinese sa Laguna noong 2013.
- Latest