51,000 lugar sa bansa magkakalibreng Wi-Fi
MANILA, Philippines - APRUBADO na sa Senado ang pondo para sa paglalagay ng libreng Wi-Fi sa 51,000 lugar sa bansa sa 2015.
Kasama sa inaprubahang budget ng Department of Science and Technology para sa 2015 ang P3 bilyon na ilalaan para sa Public Wi-Fi Program ng DOST.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang Senate Finance Committee ang nagrekomenda na itaas ang pondo mula sa P338 milyon ay ginawang P3 bilyon upang mas maraming lugar ang masakop ng libreng Wi-Fi na inaasahang mapapakibangan ng mga ordinaryong mamamayan sa pagpapaunlad ng kanilang kaalaman katulad ng mga magsasaka.
Kapag naipatupad na ang programa, magkakaroon ng Wi-Fi service sa nasa 7,917 public high schools, 38,694 public elementary schools, 113 state colleges, 1,118 public libraries, public spaces sa 1,490 bayan. Maging ang 895 provincial, regional hospitals, at mga government-run medical centers sa Metro Manila.
Ayon kay Recto, makikinabang din sa panukala ang mga may kamag-anak na mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil maging ang Public Employment Offices para mas madaling makahanap ng trabaho ang publiko.
Lalagyan din ng free Wi-Fi ang nasa 85 airports, 41 seaports at 69 LRT, MRT at PNR stations.
Naniniwala si Recto na mahalaga ang libreng Wi-Fi lalo sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas sa ikatlong linggo ng Enero samantalang darating din sa bansa si Russian leader Vladimir Putin at nasa 20 iba pang Pacific Rim leaders para sa APEC Leaders’ Summit sa Nobyembre.
Inaasahan naman maipapasa ng Senado ang pambansang budget para sa 2015 kung saan nakapaloob ang pondo para sa libreng Wi-Fi bago matapos ang taon.
- Latest