11-anyos sinilaban ng ama
MANILA, Philippines - Walang awang binuhusan ng thinner at sinilaban ang isang 11-anyos na batang babae ng kanyang sariling ama na lango umano sa ipinagbabawal na gamot habang natutulog ang una sa loob ng bahay ng suspek sa Manila South Cemetery sa lungsod ng Makati.
Kaagad na dinala sa Ospital ng Makati (OsMak) ang biktima na itinago sa pangalang Lea, nagtamo ito ng 2nd degree burn, na balot ng gasa ang kaliwang paa hanggang singit gayundin ang magkabilang kamay.
Base sa nakasaad sa referral sheet ng OSMAK, posibleng ginulpi pa ang biktima ng suspek. Nagsasagawa naman ng follow-up ang pulisya matapos na maghain ng reklamo sa Manila Police District (MPD), subalit ililipat aniya ito sa Makati City Police, itinanggi naman ng huli na mayroon isinampang reklamo sa kanila.
Nabatid, sa kaanak ng biktima na bumisita lamang ang bata sa kanyang ama na hindi muna pinabanggit ang pangalan sa tinitirhan nito sa loob ng Manila South Cemetery, ngunit habang natutulog ang biktima ay ginawa ng suspek ang pagsisilab ng apoy sa biktima. Naapula naman ng pinsan ng biktima ang apoy ngunit nang makita ng suspek ay muli itong sinilaban dahil sa sobrang kalasingan sa iligal na droga.
Sa impormasyong nakalap mula sa nakatalagang guwardya ng naturang sementeryo na si Romeo Amar na naka-duty noon, nagpaalam sa kanya ang ina ng biktima na pumasok sa sementeryo para sunduin ang bata pero hindi na niya ito nakitang lumabas.??
Kinabukasan na niya nalaman na nag-ober da bakod pala ito para itakas ang anak na dinala na sa naturang pagamutan. Nabatid na matagal nang hiwalay ang mga magulang ng biktima.
- Latest