Mga Magdalo kinupkop ni VP Binay
MANILA, Philippines - Matapos ang bigong Oakwood mutiny at Manila Peninsula takeover ay kinupkop at binigyan ng trabaho ni Vice President Jejomar Binay ang mga Magdalo soldiers.
Ito ang ipinahayag kahapon ni Cavite Governor Jonvic Remulla na siyang vice presidential spokesperson for political concerns ni VP Binay kaugnay sa paratang ni Senator Antonio Trillanes IV na sangkot ang Bise Presidente sa bigong kudeta.
Anya, binigyan ni Binay ng trabaho sa Makati City Hall at sa kanyang piggery sa Rosario, Batangas ang mga sundalo bilang pagtulong upang mabuhay ang kanilang mga pamilya pagkatapos ang bigong Oakwood mutiny at Manila Peninsula siege.
Nilinaw din na ang pagbibigay ng trabaho at pagkupkop ni Binay sa mga sundalong nagrebelde ay pagkatapos na ng kanilang pag-aaklas.
“At ‘yung iba doon, inassign doon para magbantay ng babuyan. Ngayon magpapakita siya ng pictures, ito ay nangyari after the [fact], hindi before the fact. Hindi before Peninsula kundi after lahat ‘yan. Tinulungan niya lahat ‘yan, humingi ng tulong sa kaniya at nagbukas siya ng pintuan. Sabi niya, ‘Halika, tutulungan ko kayo. Magtrabaho kayo para sa akin para mabuhay ‘yung mga pamilya niyo”, dagdag ni Remulla.
Binigyang-diin ni Remulla na walang anumang naging partisipasyon si Binay sa nasabing bigong kudeta.
Hinimok umano noon si Binay na sumama sa Magdalo soldiers o sumama sa kudeta, pero hindi umano ito pumayag.
Pinabulaanan din ni Remulla ang naging paratang ni Trillanes na ang mga armas na ginamit sa siege ay hindi naipasok nang walang tulong mula sa Makati City government dahil sa puwersahan umanong umakyat ang mga ito na may dalang mahahabang baril.
- Latest