Miriam: biyahe, regalo, donasyon isama sa SALN
MANILA, Philippines - Nais ni Senador Miriam Defensor-Santiago na magkaroon ng panukalang batas na maisama sa Statement of Assets Liabilites and Networth ang mga natatanggap na regalo, donasyon at biyahe sa ibang bansa ng mga opisyal ng gobyerno sa loob ng isang taon.
Sa Senate Bill 2431 na inihain ni Santiago, pina-aamiyendahan nito ang Republic Act 6713 na kilala rin sa tawag na Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, kung saan sa ngayon ay iisang SALN form lang ang ginagamit ng lahat ng opisyal at empleyado para maideklara ang anumang yaman meron sila.
Mismong ang Supreme Court aniya ang nagsabi sa isang ipinalabas na desisyon na mahalaga ang pagdedeklara ng SALN dahil ito ang nagiging basehan ng gobyerno at ng mga mamamayan sa pag-monitor sa income at lifestyles ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, para na rin malabanan ang korupsiyon at magkaroon ng transparency sa pamahalaan.
Ngunit dahil sa dami ng nakakalusot sa kasalukuyang SALN form ay maituturing itong hindi epektibo dahil hindi idinideklara ang mga pera at donasyon na natatanggap ng mga taong gobyerno. Kaya dapat ng amyendahan ang SALN form para sa mga empleyadong may salary grade 27 pataas.
Ipinaliwanag ni Santiago na kalimitan ay nagsasabwatan ang buyer at seller ng property upang maiwasan ang pagbabayad ng mas mataas na buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya hindi naidedeklara ng tama ang halaga ng real properties.
- Latest