Mag-utol na most wanted criminal, natimbog
MANILA, Philippines - Naaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder ang isang mag-utol na nagtago ng halos tatlong taon sa batas sa isang operasyon kamakalawa ng hapon sa Maynila.
Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Alvin Dalluay, ex-Brgy. Chairman sa Brgy. Centro Abulog, Cagayan at kapatid nitong si dating PO3 Allan Dalluay.
Batay sa ulat, bandang alas-3:15 ng hapon nang masakote ng mga operatiba ng PNP-CIDG Special Operations Unit sa pamumuno ni Supt. Zacarias Noel Villegas sa pinagtataguan ng mga ito sa No.1933 Guazon St. Barangay 832, Zone 90, Maynila.
Ang magkapatid ay sangkot sa pagpatay kay Narding Carrao habang sugatan naman si Florian Bugaring noong gabi ng Oktubre 28, 2012 sa parking area ng Laz-Bon cockpit Arena sa Brgy. Sta Filomena, Abulug, Cagayan.
Bago ito ay nasangkot din ang dating pulis sa pamamaril sa tahanan ni Carrao matapos ang mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa noong Setyembre 2011.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang pamamaril ay may kinalaman sa labanan sa posisyon ng Brgy. Chairman sa bayan ng isa sa mga biktima at mga suspek.
Ang dating pulis ay nakatala bilang No. 1 most wanted habang ang dating chairman ay No. 2 most wanted sa bayan ng Abulug, Cagayan.
- Latest

















