Libingan ng German hostage hinukay na ng Sayyaf
MANILA, Philippines – Kung hindi maibibigay sa araw ng Biyernes ang hinihinging P250 milyon ransom para sa kalayaan ng mag-asawang Aleman na bihag ng Abu Sayyaf Group sa lalawigan ng Sulu ay pupugutan na umano ng ulo ang lalaking Aleman.
Bukod dito sa sinabi pa ng Abu Sayyaf na hinukay na nila ang paglilibingan ng lalaking Aleman kapag ito ay kanila nang pinugutan.
Sa panayam ng RMN Zamboanga, sinabi ng nagpakilala sa pangalang Aburahmi, self proclaimed Spokesman ng Abu Sayyaf na may hanggang alas-3:00 ng hapon sa Oktubre 17 ang pamahalaan ng Germany at ng gobyernong Aquino para sagipin ang buhay ng mag-asawang hostage na Aleman.
Ang mag-asawang Aleman ay kinilalang sina Stefan Viktor Okonek, 71 at Herike Diesen, 55 na binihag ng mga bandido noong Abril ng taong ito habang lulan ng yate sa karagatan ng Palawan.
“Pupugutan na namin ng ulo itong bihag naming matandang lalaking Aleman na eto, hinukay na namin ang kaniyang libingan, hanggang alas-3:00 lang ng hapon sa Biyernes ang deadline namin kapag hindi naibigay ang ransom pugot ang ulo nito”, ani Aburahmi sa radio interview sa RMN Zamboanga.
“Walang pagbaba, P250 M pa rin ang ransom kung gusto nilang mabuhay pa ito at makalaya “, banta pa ni Aburahmi.
Ayon naman kay Okonek na binigyan ng pagkakataon ni Aburahmi na makapanayam sa radyo na masyado umanong mabagal ang negosasyon, pero sa kabila nito’y patuloy silang umaasang mag-asawa na tutulungan sila ng pamahalaan ng Germany at maging ng Pilipinas para sagipin ang kanilang buhay sa kamay ng mga abductors.
Kinumpirma rin ni Okonek na mahigit 24 oras na niyang hindi nakikita ang kaniyang misis matapos silang paghiwalayin ng mga kidnappers.
Sa pahayag naman ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., malabong iatras nila ang tropa ng militar para lamang palayain ng mga bandidong Abu Sayyaf ang kanilang mga bihag.
Kaya nga ay ibinuhos na ng AFP ang tropa sa Sulu upang iligtas ang mag-asawang Aleman na kabilang sa 12 pang bihag ng mga bandido sa lalawigan ng Sulu.
- Latest