Raliyista hindi natinag sa buhos ng ulan
MANILA, Philippines - Hindi nagpatinag ang libu-libong raliyista na sumugod sa Batasan Complex upang magsagawa ng programa laban sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
Sinimulan dakong alas-3:00 ng hapon ng mga grupong militante ang pagmartsa patungong Commonwealth Avenue bitbit ang kanilang mga placard, streamers at effigy na naglalaman ng salitang tungkol sa korapsyon at pagpapahirap sa bayan at pagpapatalsik sa pangulo sa puwesto.
Hatak-hatak ang kanilang mga effigy ni P-Noy dinala ito ng militante Kilusang Mayo Uno at Gabriela sa Commonwealth Avenue, hanggang sa huminto sa Ever Gotesco kung saan itinumba ng mga ito ang isang hanay ng barikada ng otoridad.
Nagsipagdatingan ang mga magsasaka buhat sa Southern Tagalog at sama samang inokupa ang buong eastbound lane ng Feria Road at nagsimulang magprograma.
Tulad ng inaasahan hindi na nagawang makalapit ng mga raliyista malapit sa Batasan Complex dahil sa mga inilatag na barikada ng otoridad na may 100 metro buhat sa pagdarausan ng SONA.
Dakong alas-4:45 ng hapon sa kalagitnaan ng pagsasalita ng Pangulo ay sinimulan ng mga militante ang pagsunog sa pinakamalaking effigy ni P-Noy na nakaupo sa isang trono at may hawak ng baril.
Tinangka ng mga militanteng makausad sa barikada ng mga pulis at nabuwag ng mga ito ang barikada sa Ever Gotesco, subalit pagsapit sa barikadang itinayo sa Commonwealth, ilang metro ang layo sa Batasan complex ay binomba sila ng mga tubig ng mga bumbero buhat sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Hindi natinag ang mga militante at nanatiling nakatayo sa harap ng barikada, habang binobomba ng tubig, kasabay ng pagwawagayway sa kanilang mga dalang bandera at streamers.
- Latest