Guro utas sa kawatan, 3 sugatan
MANILA, Philippines - Dedo ang isang guro at tatlo ang nasugatan nang paghahatawin ng tubo sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ng hindi pa nakilalang grupo ng mga kawatan na nanloob sa tahanan ng mga ito sa bayan ng Bula, Camarines Sur kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Noreen Alabao na tadtad ng mga palo ng tubo sa ulo at iba pang bahagi ng katawan at nasawi sa internal hemorrhage.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang kasambahay ni Alabao na nagtamo rin ng mga malalalim na sugat at pasa sa katawan sanhi ng paghambalos sa mga ito ng tubo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap sa pagitan ng ala-1 hanggang pasado alas-2 ng madaling araw sa tahanan ng pamilya Alabao sa Brgy. Panoypoyan ng nasabing bayan. Masuwerte naman na nakaligtas ang 9-anyos na anak ng biktima kaya nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay dakong alas-5 ng umaga.
Samantalang nakita naman sa labas ng tahanan ng pamilya ang telebisyon, mobile phone habang hindi naman natangay ng mga suspek ang P4,000 pera ng guro dahil maaaring nagmadali ang mga ito sa pagtakas.
Wala namang nakitang puwersahang pagpasok ang mga awtoridad sa tahanan ng mga biktima kung saan lumutang ang teorya na posibleng kakilala ng mga ito ang mga salarin.
- Latest