Kano sinamurai, patay
MANILA, Philippines - Isang Amerikano o Kano ang nasawi makaraang masaksak gamit ang isang samurai ng isang 29-anyos na lalaki na nahulihan pa ng mga paraphernalia para sa iligal na droga, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Namatay dahil sa malalim na saksak sa katawan na tinamo ng biktimang si Robert Trotter, pansamantalang nanunuluyan sa # 2963 General Del Pilar Street, Brgy. Bangkal sa lungsod.
Nadakip naman ng mga rumespondeng mga barangay tanod at pulis ang suspek na nakilalang si Gerald Gelera, ng # 5051 Malolos Street, Brgy. Olympia sa lungsod.
Sa ulat ng Makati Police, dakong alas-9:00 kamakalawa ng gabi nang maganap ang krimen sa ikaapat na palapag ng condominium building na tinutuluyan ni Trotter sa General del Pilar Street.
Ayon sa obrerong si Dennis Ancajas, nagtatrabaho sila sa loob ng gusali nang makarinig ng sigawan. Agad nilang tinungo ang pinanggagalingan ng ingay hanggang sa maabutan ang biktima na sinasaksak umano ng suspek.
Agad namang humingi ng responde ang mga tauhan ng gusali at naaaresto si Gelera. Nakuha pa sa posesyon nito ang tatlong stick ng marijuana, 2 tooter at ang samurai na ginamit sa pamamaslang.
Kasalukuyang isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang suspek upang mabatid ang motibo sa naturang krimen. Nahaharap naman ito ngayon sa kasong murder at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest



















