Nirepacked na NFA rice nasamsam sa Bulacan
MANILA, Philippines - Sinalakay kahapon ng mga otoridad ang isang bodega sa Marilao, Bulacan na kung saan ang National Food Authority (NFA) rice ay nire-repacked para gawing commercial rice upang tumaas ang presyo nito.
Naaresto ng mga otoridad ang warehouse manager na si Juancho San Luis at ilang trabahador nito sa akto na isinasalin ang may 100 sako ng NFA rice sa mga sako ng commercial rice.
Nakumpiska rin ang 5,000 sako ng NFA rice, at dalawang 10-wheeler trucks na kinakargahan ng mga ni-repacked na NFA rice.
Sa ulat, dakong alas- 6:00 ng umaga nang salakayin ng mga elemento ng PNP-CIDG ang Jommario Star Rice Mill na matatagpuan sa Brgy. Abangan Norte, Marilao, Bulacan.
Ang raid ay isinagawa kasunod nang natanggap na impormasyon ng Bulacan 3rd Regional Criminal Investigation and Detection Unit (RCIDU) na sangkot sa ‘rice hoarding’ ang mag-asawang negosyanteng sina Roberto at Regina Pualengco na wala sa lugar nang sumalakay ang mga otoridad.
Nabatid na pinaghahalo ng mga tauhan nina Pualengco ang commercial at NFA rice na ibinabagsak ng mga ito sa mga palengke upang kumita ng malaki .
Isinagawa ang raid sa gitna na rin ng karaingan ng mga konsumer sa mataas na presyo ng bigas bunga ng pinaniniwalaang rice hoarding at paghahalo ng commercial sa bigas ng NFA.
- Latest