Para ipakita sa misis na nasa abroad... pagkatay sa anak ini-upload sa FB
MANILA, Philippines - Tila wala sa katinuan ang isang tatay nang gawin nito ang pagkatay sa kanyang 7-anyos na anak na babae na habang ginagawa ang krimen ay kinukunan niya ito ng video naganap kahapon ng madaling-araw sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Angel Mark Cathlene Manliclic na nadatnan ng kanyang mga tiyahin na duguang nakasubsob at wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay.
Agad nadakip ang tatay na si Mark Alvin Manliclic, 31.
Lumalabas sa imbesÂtigasyon ni PO2 Rhic Pittong, nangyari ang karumal-dumal na krimen dakong alas-3:00 ng madaling-araw sa loob ng bahay ng mag-ama na matatagpuan sa no. 26 M. Aquino St., Brgy.Sta. Lucia.
Sa salaysay ng tiyahin ng biktima na si Vilma Villajuan, natutulog siya sa kanilang bahay nang dumating ang suspek at ipinagtapat sa kanya na pinatay niya ang kanyang anak na si Angel.
Nagsisigaw at nag-iiyak si Villajuan sa ipinagtapat ng suspek hanggang sa marinig niya ang sigaw ng pamangkin na si May Andrea Manliclic.
Kaya’t agad nitong pinuntahan ang bahay at dito nakita ang kalunos-lunos na kalagayan ng biktima.
Sa salaysay ng mga kaanak ng biktima na bago nangyari ang krimen ay nagkaroon ng pagtatalo sa telepono ang suspek at misis nito na ina ng biktima na nasa Canada dahil sa pinauuwi na ito ng suspek gayung tatlong buwan pa lang ito nagtatrabaho doon.
Hindi pumayag ang misis sa nais ng suspek kung kaya’t nagbanta umano ito na papatayin ang kanilang anak kapag hindi umuwi.
Sa nasabing oras habang natutulog ang biktima ay nilapitan ito ng ama na dala ang celphone at binidyuhan ang paggilit sa anak at pagsaksak dito ng maraming beses sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ayon sa pulisya na inamin ng suspek na pagkatapos niyang mapatay ang anak ay agad niya itong ini-upload ang video footage sa Facebook at Skype upang makita umano ng misis nito na tinotoo nito ang banta.
Malaki ang hinala ng pulisya na lango sa ipinagbabawal na droga ang suspek nang gawin ang karumal-dumal na krimen sa kanyang anak.
- Latest