Sunog sa QC: 120 pamilya nawalan ng tahanan
MANILA, Philippines - Nawalan ng tahanan ang may 120 pamilya makaraang tupukin ng apoy ang kanilang mga bahay dahil umano sa napabayaang gasera sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay SFO3 Mauricio Jose, tactical operations officer ng Quezon City Fire Station, nangyari ang sunog ganap na alas-8:20 ng gabi sa Gilmore corner Hemady St., Brgy. Valencia sa lungsod.
Sinasabing nag-ugat ang sunog sa isang napabayaÂang gasera na ginamit bilang ilaw umano ng isa sa mga residente sa lugar.
Dahil pawang mga gawa lamang sa light materials ang mga bahay ay mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa Task Force Alpha ang alarma.
Nahirapan ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil sa makitid na kalsada sa lugar at nakahambalang din ang ilang gamit ng mga naapektuhang residente kung kaya hindi kaagad makapasok ang mga fire truck.
Alas-2:00 ng madaling araw nang tuluyang ideklarang fire out ang sunog at tinatayang nasa P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa nasabing sunog.
- Latest